Tirada Balita TV > Abroad > BI magluluwag sa mga delegado sa ASEAN leaders summit
BI magluluwag sa mga delegado sa ASEAN leaders summit
MAGIGING maluwag ang Bureau of Immigration sa mga darating na delegado at kanilang pamilya na dadalo sa ASEAN leaders summit na gaganapin sa bansa ngayong taon.
Ito ay kasunod nang kautusan ni Immigration Commissioner Jaime Morente sa kanyang mga tauhan na luwagan ang mga opisyal at miyembro ng delegasyon ng Association of Southeast Nations (ASEAN) sa darating na summit leaders .
Inatasan ni Morente ang mga opisyal ng immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa iba pang paliparan at pantalan sa buong bansa na huwag maging istrikto sa pagpapairal ng batas sa darating na foreign delegates.
Bukod sa ASEAN delegates, kabilang din sa pinasasaklaw ni Morente sa pribilehiyo ng “less restrictive” rule ang mga kasama ng mga ito katulad ng mga asawa at mga anak.
Ang Pilipinas ay host at chairman ngayong taon sa pagpupulong ng ASEAN leaders na kinabibilangan kabilang ang mga bansang Indonesia, Malaysia, Thailand, Singapore, Vietnam, Cambodia, Laos, Myanmar at Brunei.
Inutos din ni Morente na huwag munang ipatupad ang six-month rule sa validity ng pasaporte, na nangangahulugan na maaaring makapasok sa bansa ang isang ASEAN delegate kahit na ang kanyang pasaporte ay kulang na sa anim na buwan, hindi na rin hahanapan ng return o outbound plane ticket ang mga ASEAN delegates.
“As for any foreign delegates who have no entry visa (for visa-required nationals) and those whose names might appear in the BI’s derogatory list, they shall not be automatically excluded or turned back to their port of origin,” sabi ni Marc Red Mariñas, hepe ng BI’s acting port operations.
Una nang nagpakalat ang BI ng mahigit sa 100 daang personnel para tumulong sa paghahanda ng Pilipinas sa taunang ASEAN event.
Bumuo na rin ang BI ng special task group na binubuo ng 95 immigration officers, immigration supervisors at intelligence agents mula sa NAIA para masiguro na magagabayan ang mga ASEAN delegates.(Diana Cruz)