Nasita sa checkpoint… TRUCK DRIVER KULONG SA TANGKANG PANUNUHOL SA PULIS

KALABOSO ang isang truck driver nang tangkain suhulan ang mga pulis na sumita sa kanya at kanyang helper sa checkpoint habang sakay ng isang delivery truck sa Valenzuela City.

Sa ulat, alas-2 ng madaling araw, minamaneho ang Isuzu Elf truck (UKS-430) ni Roldan Otadoy, 36 ng Unit 33, Temporary Housing Building 12, Vitas, Tondo, Manila, kasama ang kanyang helper na si Roderick Bunso nang parahin sila sa isang police checkpoint sa corner ng Gov. I. Santiago at Daffodil Streets, Brgy. Malinta.

Ipinaliwanag ni P/SMSgt. Gilbert Soriano at P/Cpl. Boui Gamueda, kapwa nakatalaga sa Valenzuela Police Station Intelligence Branch (SIB) kay Otadoy at sa kanyang helper na lumabag sila sa City Ordinance 670 dahil ang karga ng kanilang truck ay 80 sako ng uling at hindi mahalagang kalakal.

Nang isyuhan ang mga ito ng Ordinance Violation Receipt (OVR) ay naglabas si Otadoy ng P500 bill mula sa kanyang license jacket at tinangkang suhulan ang pulis sabay pahayag ng “ Ayusin na lang natin ito, eto, P500, pang meryenda niyo,” na naging dahilan upang arestuhin ito ng mga pulis at kinumpiska sa kanya ang bribe money.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Ferdinand Ortega, si Otadoy ay iprinisinta sa City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings sa kasong Bribery habang ang kanyang helper inisyuhan ng OVR.Francis Soriano

Show Buttons
Hide Buttons