No. 4 ng Bagyong Rolly pinaghandaan sa CAMANAVA

Nakahanda na ang mga pamahalaang lungsod sa Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (CAMANAVA) area sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Rolly kaugnay ng pagtataas ng Typhoon Signal No. 4 sa Kalakhang Maynila.

Sa Valenzuela City ay handa na ang mga evacuation center at naroon na ang mga social worker.  May mga lugar na inilaan para sa iba’t ibang sektor gaya ng differently abled, nagpapasuso, mga bata at maging para sa mga hayop.

Ani Mayor Rex Gatchalian, nakaposisyon na rin ang mga water rescue assets sa Tullahan Bridge sa MacArthur Highway, Marulas, at itinayo na rin ang mga modular tents sa Valenzuela National High School para sa mga residente ng Brgy. Marulas na inilikas.

Sa Navotas city, sinabi ni Mayor Toby Tiangco na handa na ang 57 Bombastik Pumping Stations ng lungsod na tiniyak ng City Engineering Office maayos at gumagana para magamit  sakaling lumakas ang ulan sa pagdating ng Bagyong Rolly.

Inihanda na rin ng CSWD ang mga relief packs kung saan 31 mga pamilya ang inilikas na sa evacuation center sa pampublikong eskuwelahan.

Ipinag-utos na rin sa Caloocan ang pre-emptive evacuation sa mga residente na nakatira sa mga mabababang lugar at landslide-prone area kasabay ng panawaga sa mga residente ng lungsod na huwag nang hintayin ang pananalasa ng bagyo bago lumikas upang maiiwas din sa panganib ang mga rescuer.

Tiniyak naman ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan na nakahanda na ang ilang mga barangay hall, covered court at mga eskwelahan na gagawing evacuation centers, gayundin ang mga rescue team at rescue equipment.

            Samantala sa Malabon City ay nagsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment via Zoom ang Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) kasama ang 21 Barangay Disaster Risk Reduction (DRR)  focal persons upang paghandaan ang pagdating ng Bagyong Rolly.Ni.FRANCIS SORIANO

Show Buttons
Hide Buttons