Pulis todas, kasama sugatan nang barilin ng drug suspect

Todas ang isang pulis habang sugatan ang kanyang kasama matapos pagbabarilin ng isang drug suspect na namatay din makaraang barilin din ng kasama ng mga biktima sa harap mismo ng kanilang Sub-Station sa Caloocan city, kamakalawa ng hapon.

          Hindi umabot ng buhay sa Novaliches General Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa dibdib ang biktimang si PCpl Dexter Rey Teves habang ginagamot naman sanhi ng tama sa paa si PCpl Rex Graham Abigan, kapwa nakatalaga sa Caloocan Police Sub-Station 7.

          Base sa nakarating na report Caloocan police Col. Samuel Mina Jr., dakong 2:20 ng hapon nang maganap ang insidente sa harap ng SS-7 sa Llano, Brgy. 167.

          Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga biktima sa tapat ng kanilang Sub-Station nang parahin nila ang magkaangkas sa motorsiklo na si Clark Castillo, 20 ng Phase 7 Bagong Silang at Macoy Toreda.

          Nakitaan umano ng ilegal na droga si Toreda na naging dahilan upang magkaroon ng komosyon hanggang sa biglang maglabas ng hindi mabatid na uri ng baril ang suspek at pinagbabaril ang dalawang pulis.

          Nang marinig ni PSSg Christopher Anos na nasa loob ng kanilang opisina ang mga putok ng baril sa labas ay agad itong rumesponde saka binunot ang kanyang service firearm at pinaputukan sa katawan si Toreda na nagresulta ng kamatayan nito.

          Matapos ang insidente, mabilis na isinugod sa naturang pagamutan ang mga biktima habang tumakas naman si Castillo subalit, nakorner ito ng mga bystander.Francis Soriano

Show Buttons
Hide Buttons