Lalaki itinumba sa harap ng ka-live-in

Pinagbabaril hanggang sa mamatay sa harap mismo ng kanyang live-in partner ang isang 34-anyos na lalaki ng isa sa apat na hindi kilalang mga suspek na sapilitang pumasok sa kanilang kubo sa Malabon city.

          Ayon kay Malabon police chief Col. Angela Rejano, dead on the spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Valentino Espinoza ng P Concepcion St. Brgy. Tugatog.

          Sa imbestigasyon nina PMSg Julius Mabasa at PSSg Ernie Baroy, dakong 2:10 ng madaling araw, natutulog ang biktima kasama ang kanyang live-in partner na si Maricel Dela Paz sa loob ng kanilang kubo sa loob ng Tugatog Cemetery sa P. Concepcion St. nang sapilitang pumasok ang armadong mga suspek.

          Nang nasa loob na, walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima sa ulo at katawan sa harap mismo ng kanyang live-in partner ng isa sa mga suspek bago mabilis na nagtikas patungong Dr. Lascano St.

Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis subalit hindi na nila inabutan pa ang mga suspek habang walong basyo ng bala mula sa hindi matukoy na uri ng baril ang nakuha sa crime scene ng mga tauhan ng SOCO.

Ipinag-utos na ni Col. Rejano sa kanyang mga tauhan ang follow-up imbestigasyon sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek na may kinalaman sa sunod-sunod na insidente ng pamamaril sa lungsod.

Sa kasalukuyan ay patuloy na inaalam ng pulisya ang tunay na motibo sa insidente.Francis Soriano

Show Buttons
Hide Buttons