CAMANAVA MAYORS AT ASTRAZENECA NAGKASUNDO SA PAGBILI NG BAKUNA SA COVID-19

Tiniyak ng apat na alkalde ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela) sa kani-kanilang nasasakupan na magkakaroon na ng bakuna para sa Covid-19 na magagamit sa kanila simula sa ikalawang quarter ng taon.

Ito’y, matapos sabihin nina Mayors Oscar Malapitan (Caloocan), Antolin Oreta III (Malabon), Toby Tiangco (Navotas) at Rex Gatchalian (Valenzuela) na gumawa na sila ng kasunduan sa British-Sweden multinational pharmaceutical company, AstraZeneca para sa pagbili ng bakuna sa Covid-19.

Ayon kay Malapitan, hindi bababa sa 600,000 doses ang bibilhin ng Pamahalaang Lungsod sa AstraZeneca bilang bahagi ng Covid-19 vaccination program ng lungsod.

Tuluy-tuloy ang ating paghahanda para sa pagbili ng bakuna kontra Covid-19. Nakikipag-ugnayan tayo sa mga pharmaceutical company upang matiyak na makakakuha tayo ng bakuna pag ito ay aprubado na ng Inter-Agency Task Force at Food and Drug Administration,” ani Mayor Oca.

Sinabi naman ni Oreta na ang Malabon ay naglaan din ng paunang halaga na P150-milyon sapagkat ito rin ang tiniyak ng parehong pharmaceutical company para sa bakuna sa Covid-19.

Sa Navotas, sinabi ni Tiangco na sumang-ayon ang AstraZeneca na ibigay sa lungsod ang paunang 100,000 dosis na maaaring mapakinabangan ng 50,000 na residente dahil dalawang dosis ang kinakailangan para sa bawat indibidwal.

Aniya, inaprubahan ng city council ang paglabas ng P20-milyon para sa layuning ito

 “Good news! Valenzuela City signs a deal with AstraZeneca Pharmaceuticals Philippines for the advance purchase of 640,000 AstraZeneca vaccine doses” pahayag naman ni Mayor Gatchalian sa kanyang FB page.

Ani Gatchalian, inihahanda na nila ngayon ang vaccine roll out plan ng lungsod upang maging maayos na ang distribusyon ng bakuna kapag nagsimula na itong dumating.

Nasa 320,000 mga indibidwal ang mababakunahan, na 70 porsyento ng target na populasyon ng lungsod (hindi kasama ang 18 taong gulang sa ibaba).Francis Soriano

Show Buttons
Hide Buttons